Daily Living Society & Culture

Aswang sa Quezon

Ang tagal ko ng naninirahan sa Quezon (Tiaong) pero wala pa naman akong nakikitang aswang. Noong ako ay nasa elementarya pa lamang, bali-balita na may aswang daw sa Paiisa. Dahilan upang ako’y maging dungo sa kadiliman, hindi makapag isa kapag ginagabi.  Napatunayan kong wala, dahil ilang beses na akong pumunta doon.

Ngayon, tumetrending sa facebook, may gumagala daw aswang, at in fairness, sosyal sila, dahil may sasakyan daw. Ang balitang ito na kumakalat at patuloy na kumakalat sa aking mga kababayan. Mag dadalawang linggo na halos silang binabagabag ng balitang ito. Sariwang trending, nakita ko sa facebook, isang babaeng maitim at payat ang nahuli daw, isa daw itong aswang, nakitang nagpalit ng anyo mula sa pagiging ibon.. .Hay buhay…

Hindi ba dapat ang buhay ang dapat katakutan? May mga naglipanang krimenal, manghahalay, magnanakaw at mandarambong? Kabi kabilang panig ng bansa, mga walang halang na bituka laman ng balita. Sa amin sa Cabatang, nababalitaan ko na lang, nilooban daw sila, ninakaw kaldero, mga gamit sa bahay, pagkain at kung ano ano pa. Hindi ba’t sila ang maituturing na aswang? Huwag naman natin sanang husgaan ang isang taong hindi natin natitiyak ang katotohanan at ang kanyang katauhan. Kawawa naman.

Sa aking mga kababayan, manalangin na lang po tayo at tayo’y gagabayan. Walang aswang, tayo ang gumagawa ng aswang, imahinasyon natin na nagdudulot ng agam agam. Matakot tayo sa buhay, buhay na may masamang hangarin sa kapwa. Katapat ng mga ito ay pag iingat at pagdarasal.

Hangad ko ang kaligtasan nating lahat.

Hanggang sa muli,

blog signature for i just opine